Pebrero, 1997¹
Paunang salita:
Bago matapos ang dekada 80 ako ay pinalad na makatanggap ng sipi ng Glow Magazine, mula sa aking butihing maybahay, na walang alam kung sino ang nagpadala sa kanya, kung saan nakalathala rito, sa seryeng paglalathala, ang aklat na “The Poem of the Man-God” ni Maria Valtorta. Ang aklat na ito ay nilalaman ang naging pamumuhay sa lupa ng Inang Birheng Maria at ng kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo: mula sa paglilihi kay Inang Maria hanggang sa siya’y iniakyat sa Langit.
Ang laman ng mga unang siping aking nahawakan, tungkol sa aklat na ito, ay ang mga yugto nang ang Panginoong Jesucristo ay nag-eebanghelyo sa Israel. Ang mga tagpo ay kagulat-gulat, ang mga winiwika ng Panginoon Jesus ay mga katotohanang noong ko pa lamang nalaman. Sa madaling salita ako ay mas nauhaw sa buong laman ng aklat na sa katunayan ay binubuo ng limang aklat, mga 5,000 pahina. Ako ay pinalad din, pagkaraan, na magkaroon ng kopya ng lahat ng limang aklat na ito (“sinerox” lang ng aking maybahay) mula sa isang napakabuting pari ng aming parokya na nagkataon na mayroon nito nang aking binanggit sa kanya ang pagka-uhaw na ito mula nang matikman ko ang katiting ng aklat sa pamamagitan ng mga dalawampung isyu ng Glow magazine. Mula noon hanggang sa mabasa ko nang tapos ang buong kasaysayan nang tatlong ulit, ang aking mga anak ang lagi kong naiisip. Hindi lamang sila, bagkus ang aking mga kakilala, lalo na ang alam kong hindi labis nagbabasa ng mga aklat na sulat sa ingles: sana malaman din nila ang laman ng limang aklat na ito.
Ako’y nagpapasalamat sa mabuting kaluluwa na nagpadala sa aking butihing maybahay ng sipi ng “Glow”. Ang aking pagtatangkang maisalin ang aklat sa wikang Filipino ay bahagi ng espiritung nag-udyok din sa kanya na ibahagi sa ibang tao ang perlas na kanyang natagpuan.
“Ilathala ang gawang ito. Wala nang pangangailangan na mabigyan ng opinyon ang tungkol sa pinanggalingan nito, kung ito man ay extraordinary o hindi. Ang magbabasa nito, ay makaiintindi.” deklarasyon ni Pope Pius XII noong Pebrero 26, 1948, ayon sa pag-uulat sa Osservatore Romano noong Pebrero 27, 1948.
¹ Ang petsang ito ay isinama ngayong Pebrero, 2013, kung kailan natapos ang unang edition ng pagsasalin. Ibinasi ang petsang ito sa petsang lumalabas sa properties ng mga larawan na kinalap noong unang mga araw ng pagsasalin, mga larawan na binalak na pagkukunan ng mga isasama sa natapos na mga pahina ng unang edition.