Maayos na Lansangan    Karunungan    Kalusugan    Kabuhayan 
Kalusugan

Itinaguyod ni Konsehal Dante De Guzman ang "Yamang Kalusugan Health, Nutrition & Sports Program" upang tugunan ang pangunahing panganga-ilangan ng mga mamamayan sa larangan ng kalusugan. Ito ay nagsimula noong 2002 at nakapaghandog na ng iba’t-ibang paraan ng paglilingkod pangkalusugan sa Quezon City.

Kasama dito ang "Medical Missions" na naghandog ng libreng gamutan at pamimigay rin ng libreng gamot, "Dental Missions" na libreng pagbunot ng ngipin, "Operation Tule" na naghandog ng libreng pagtutule sa mga kabataan tuwing summer. Sa pakikipagtulungan ng QC Health Department, ang tanggapan ni Konsehal Dante ay nakapagsasagawa ng libreng pagtutule (circumcision) para sa mga kabataan ng iba’t ibang barangay. Ito ay sa pangangasiwa ng mga kaibigan at mga volunteer doctors. Dagdag pa rito ang "Feeding Program at Administration of Vitamins" para sa mga bata at ang "Patibayin Unang Ngipin" sa pakikipag-tulungan ng Pediatric Dentistry Center (PDC) na nagbigay ng libreng "Flouride Varnish" para sa mga batang 9 na buwan hanggang 3 taong gulang. Pagbibigay din ito ng kaalaman para sa mga magulang hinggil sa wastong nutrisyon ng kanilang mga anak.

Ang "Fud 4 Kids Nutrition Program", isang programang pangkalusugan na nagbigay ng pagkakataon sa mga batang edad 3-7 upang magsalo-salo kasabay ng pagtuturo sa kanila ng pangunahing kaalaman sa wastong nutrisyon. Bahagi ito ng pang-kalahatang programa ng tanggapan ng konsehal na mas kilala bilang "Yamang Kalusugan".

Ang "Mobile massage Therapy" na nagbigay ng libreng "Back Rub Massage" para sa mga nakatatanda, mga propesyunal, atleta, mag-aaral at iba pang kasapi ng pamayanan. Nagturo ito ng pangunahing kaalaman sa pagmamasahe bilang pampatanggal ng tensyon at pagod.

Ang "free summer yoga sessions" tuwing Sabado para sa mga residente ng Ikatlong Distrito sa pakikipagtulungan ng Ananda Marga Yoga Center, North Susana Homeowners Association, Intramuros Village Homeowners Association and Blue Ridge Homeowners Association.

Ang "FREE Reading Glasses" na nagbigay ng libreng salamin sa mata para sa mga mamamayan ng Lungsod Quezon. Kasabay nito ay ang libreng pag-eksamen sa mata upang masiguro na akma ang makukuhang salamin ng mga mamamayang may 35-taong gulang - pataas.

Ang "Anti-Dengue Information Drive" na naghahatid ng libreng impormasyon sa pintuan ng mga tahanan upang makaiwas sa salot na at perwisyong dala ng Dengue,"Doblehin ang pag-iingat, panatilihing malinis ang ating bakuran para sakalusugan ng ating pamayanan. Laba-nan ang epidemya ng Dengue."

Dagdag pa dito ang "Anti-Rabies Campaign" para makaiwas sa panganib ng aso sa lansangan, "FREE Emission Testing" para makatulong sa paglimita ng mauusok na sasakyan sa lansangan.

Naging katuwang ng tanggapan ni Konsehal Dante sa mga programang ito ang tanggapan nina Mayor Feliciano "SB" Belmonte at Vice Mayor Herbert "Bistek" Bautista, PCSO, QC Health Department, Asian Pacific Group of Companies, Baygon, mga volunteers mula sa iba’t ibang ospital at paaralan sa pakikipag-ugnayan sa mga Sangguniang Barangay ng Ikatlong Distrito.

Kasabay ng pagbubunyi ng tagumpay ni Manny Pacquiao ay ang matagumpay na "Boxing sa QC!" ni Konsehal Dante De Guzman. Isang programang pampalakasan na nagbigay pagkakataon sa mga kabataang edad 13-18 na matutunan ang pangunahing kaalaman sa boxing habang aktwal na nakasalang sa boxing ring. Protektado sila ng tamang kagamitan upang huwag magtamo ng pinsala sa katawan habang ginagabayan ng ilang eksperto sa larong boxing. Animo’y laban ng pambansang kamao, pinagkaguluhan ng mga manonood ang bawat kabanata ng "Boxing sa QC" sa iba’t ibang barangay sa Quezon City.

Tuwing Araw ng mga Puso naman taun-taon ay mayroong "Date with the Seniors" ang Team DANTE & ARLENE laan para sa mga nakatatandang residente ng Quezon City. Ang sektor ng nakatatanda o ang "senior citizens" ay may mahalagang papel na ginagampanan sa paghuhubog ng isang maunlad, makatarungan at mapayapang pamayanan kung kaya’t marapat lamang na pagtuunan ng pansin, kilalanin at parangalan.

web design by www.listahan.org   Terms of Service
Copyright 2008